*in the Philippines
Ako ay nagising nang maaga kahapon upang asikasuhin ang pagkuha ng aking NBI clearance. Napagpasyahan namin (kasama ang aking nanay) na sa Carriedo branch kami magtungo. Ayon kasi sa kanilang websayt mas mabilis ang pagproseso ng clearance kumpara sa mga satellite kiosks tulad ng nasa kapitolyo ng Lungsod Quezon na mas malapit sa aming tahanan. Alas syete ng umaga nang kami ay makarating ng Quiapo. Nasa likod (o kabilang gilid) lang pala ng simbahan ng Quiapo ang kalye ng Carriedo. Ngayon lang ako napadpad sa lugar na iyon. Hindi mo aakalaing may simbahan na malapit sa lugar na iyon. Ang kalye ay marumi. Nakakalungkot (at ayaw ko nang dugtungan pa). Napanatag ang aking kalooban nang madatnan ko ang isang maikling pila sa labas. Alas otso pa kasi magbubukas ang opisina nila.
Siyempre, hindi mawawala sa kahit anumang pila sa pagkuha ng pampublikong dokumento ang mga nag-aalok na mapapadali ang iyong pakuha kung babayaran mo sila, o mas kilala natin bilang fixers. Naisip ko lang, matagal nang naghihirap ang mga pinoy, ito ang kanilang nakagawian upang kumita; paano na kung wala nang tumangkilik sa kanila dahil hirap din naman ang mga nagsisipagpilang mga ito. Gayun pa man, masigasig sila [fixers] sa kanilang ginagawa at may iilan rin naman silang napaniwala. Nag-aalok din sila ng sedula. Ngunit ayon sa bagong alituntunin sa pagkuha ng NBI clearance, hindi na kailangan ng sedula, sapat na ang dalawang ID.
Isa pang kakaiba kanina ay parang natalo pa ng isang tindahan doon ang Dolby Digital sound sa sinehan. Pagkalakas-lakas ng tunog ng palabas na pelikula sa kanyang tindahan ng mga pekeng DVD. Buong kalye ang nakakarinig nito. Hindi ko lang alam kung abot ito sa sa simbahan. Nagmimisa pa naman dun kahapon.
Alas otso na nang nasimulang gumalaw ang pila. Pinapasok na kaming mga nakapila. Ngunit, pagdating sa itaas (kasi nasa pinakamataas na palapag ang daan patungo sa NBI kiosk), mala-”isaw” ang ginawa nila pila. At dahil maabilidad ang mga Pinoy, ang pilang ito ay naging daan sa kanila upang mapalapit sila nang lalo sa pila. Kami tuloy ay napalayo at tuluyan nang naiwan. Kasi nasa pinakalabas kami na pila, yung mga nasa ginta ng (pulupot) na pila ay agad na nakapasok sa processing area.
Sapagkat unang pagkakataon kong kumuha ng NBI clearance, hindi ko alam ang proseso, maliban sa nabasa kong panuto sa kanilang websyat. Napakaraming tao. Naki agos na lamang ako kung saan pumipila ang mga tao at nakikinig din sa iba kung saan ang tamang pila (at hindi pa rin mawawala ang mga maabilidad na Pinoy pagdating sa pila). Naging mabilis naman ang pagproseso nila sa mga aplikante dahil marami silang naglilingkod sa amin. Napansin ko rin ang boluntaryong pagbili ng ink remover na parang hindi na boluntaryo kung tutuusin kasi parang inaasahan na nila na bibili ka. Nagkagayunman, bumili pa rin ako kasi kailangang mawala ang mga tinta sa aking mga daliri.
May HIT ako kaya makukuha ko pa ang aking NBI clearance makalipas ang tatlong araw (sa Huwebes). At dahil maraming tao, hindi ko makita ang daan palabas ng gusaling iyon. Kasi iba yung labasan kaysa dun sa pinasukan namin. At mainit pa ang ulo ni manong nung tinanong ko sa kanya kung saan ang labasan.
Matagumpay naman akong nakalabas at kinailangan ko nang makasakay upang makaabot ako sa aking trabaho, mahirap nang mahuli ulit. Naisip kong sumakay na lamang ng FX kasi naisip ko kapag sumakay ako ng dyip ay baka mas tumagal ako kasi pahinto-hinto ang dyip dahil naghahakot siya ng mga pasahero at isa pa ay mainit din. Maayos naman akong nakarating sa Cubao maliban nga lang dahil medyo mahina ang air-con ng FX.
Paumanhin: Hindi ko naman ikinahihiya ang ating inang bayan. Sa katunayan, hindi lang ako sang-ayon sa ilang bagay na nakagawian na natin. Marami tayong pagkukulang sa ating bansa.







helen Said:
on 2008, May 14 Wed at 2:51 pm
haaay. bulok nga talaga ang napakaraming sistema sa pilipinas. mas napansin ko yan ngayong nasa 1st world country na ako. huhuhu! pero mahal ko pa rin ang maraming bagay sa pilipinas. kung sana lang ay inaayos natin ang sarili natin eh di sana wala ng magmimigrate na mga pilipinooo! grah!
LJ Said:
on 2008, May 15 Thu at 9:07 pm
Yeah, tama!
Hahaha, kelan kaya ako makakarating dyan?
Emir Said:
on 2008, May 17 Sat at 10:43 am
Ewan!
Basta alam ko, kaya bulok ang Pilipinas ay dahil may kabulukan din ang bawat mamamayan nito!
tina Said:
on 2008, May 18 Sun at 7:01 pm
true
hehe, standout ang post na to sa blog mo
kahit hindi naman malalim ang tagalog ng post na to, nosebleed pa rin ako kasi hindi ko na kayang magsulat ng diretsong tagalog na ganito kahaba. woooo. good luck sakin. XP
LJ Said:
on 2008, May 18 Sun at 7:05 pm
hehe, hindi nga malalim na tagalog. si rich alam ko mas magaling yun, haha.